Para makumbinsing lumaban na Pacquiao muling inasar si Mayweather
MANILA, Philippines - Bago nagpalit ng taon ay pinatutsadahan muli ni Manny Pacquiao si Floyd Mayweather Jr. upang makumbinsi ito na pumayag na at gawin ang kanilang pagkikita sa ring sa 2015.
“The ball will drop at midnight to usher in 2015. @FloydMayweather lets not drop the ball on fighting each other next year! #LetsMakeFistory,” wika ni Pacquiao sa kanyang twitter.
Nasundan pa ito ng isang tweet na pagbati ng lahat at ang paghahangad na maganap ang kanya ring pinakahihintay na laban.
“My family and I wish everyone a Happy and Healthy New Year. May it be full of blessings. No secret what one of my 2015 resolutions will be!” pahabol ni Pacquiao.
Noong Disyembre 16 ay nag-tweet din si Pacquiao at inalaska ang walang talo at kasalukuyang pound-for-pound king na si Mayweather.
“Don’t be a boxing humbug. Let’s give the fans the fight they want. They have waited long enough,” ani Pacman.
Ang huling mensahe ni Pacquao ay ginawa matapos lumabas ang pahayag ni legal adviser Atty. Jing Gacal na sinabing si Bob Arum ng Top Rank ang siyang ayaw na matuloy ang labang ito, bagay na itinatanggi ng batikang promoter.
Kumikilos na nga si Arum at gumawa na ng hakbang para kausapin si Leslie Moonves, ang pinuno ng CBS na may-ari ng Showtime na kung saan nakakontrata si Mayweather.
Marami ang naniniwalang magaganap na ang pagkikita ng dalawang tinitingalang boksingero sa kapanahunang ito dahil mismong si Mayweather ang nagsabi na gusto niyang harapin si Pacman para maibigay ang nais ng mga sumusuporta sa boxing.
Tiyak din na may maihahatid na kita si Pacquiao bagay na isa sa nais na mangyari ni Mayweather sa kanyang mga laban.
- Latest