FEU makasaysayan ang unang titulo sa Shakey’s V-League
MANILA, Philippines – Hindi makakalimutan ng FEU Lady Tamaraws ang 2014 season ng Shakey’s V-League dahil sa taong ito naiwagayway ng koponan ang kanilang kahusayan nang kunin ang kauna-unahang kampeonato sa liga.
Nangyari ito sa first conference at hindi inakala ng mga sumaksi sa ligang inorganisa ng Sports Vision na magagawa ito ng Lady Tamaraws dahil may 2-3 karta lamang ito sa Pool B at naging ikaapat ay huling koponan sa grupo na pumasok sa quarterfinals.
Sampung koponan ang sumali at hinati sila sa dalawang pangkat.
Ngunit may suwerte ang FEU sa sumunod na round dahil nakuha nila bilang imports sina Rachelle Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga para ipalit sa mga naunang reinforcements na sina Jerrily Malabanan at Toni Rose Basas.
Matapos matalo sa nagdedepensang kampeon National University Lady Bulldogs sa unang laro sa quarterfinals ay tinuhog ng pinalakas na FEU ang St. Benilde Lady Blazers (3-0) at Arellano Lady Chiefs (3-1) para umabante sa semifinal.
Nahawa sa kahusayan ng dalawang imports ang ibang FEU players tulad nina Bernadette Pons at Remy Palma at ang koponan ay nakabangon sa pagkatalo sa unang laro sa Adamson Lady Falcons para walisin ang sumunod na dalawang laro at umabante sa Finals laban sa NU na winalis ang UST (2-0).
Pero hindi na napigil ang momentum ng FEU at umukit sila ng di-inaasahang 3-0 panalo sa NU na binalikat nina Dindin Santiago, Jaja Santiago, Myla Pablo, Rubie de Leon at Jen Reyes.
Kasama ng FEU na nakatikim ng kauna-unahang kampeonato sa liga ang mahusay na si Gonzaga.
Ang sumunod na dalawang conferences, Open at Reinforced, ay nakitaan ng pagdodomina ng Army Lady Troopers at Cagayan Valley Lady Rising Suns.
Tinapos ng Army ang pagiging kampeon ng Cagayan sa Open nang walisin nila ang best-of-three series.
Ngunit sa Reinforced Conference ay nakabawi ang Cagayan nang nangibabaw sa dalawang laro sa Army.
Bagamat naglaro ng walang import, naipanalo ng Army ang unang anim na asignatura sa double round elimination para pumasok sa finals. Sumunod ang Cagayan bitbit ang 4-2 baraha.
Nag-iba ang lakas ng Cagayan dahil mas gumanda ang samahan ng mga locals sa pangunguna ni Aiza Maizo Pontillas sa mga Thai imports na si Amporn Hyapha at Patcharee Saengmuang tungo sa pagtala ng 2-0 sweep.
Isinagawa rin ng V-League ang kauna-unahang men’s division at kinilalang kampeon ang Instituto Estetico Manila sa Systema gamit ang 2-1 iskor sa best-of-three series.
- Latest