Rondo, Nowitzki humataw sa Dallas
DALLAS – Natututo nang maglaro si Rajon Rondo kasama ang kanyang mga bagong Dallas teammates, habang pinipilit naman makapuntos ni Dirk Nowitzki sa kabila ng pagkakaroon ng stomach ailment.
Kapwa sila umaasang ang lahat ng ito ay magiging komportable.
Umiskor si Rondo ng season-high 21 points sa kanyang ikaapat na laro para sa Mavericks at nagdagdag naman si Nowitzki ng 14 para sa kanilang 102-98 panalo laban sa Los Angeles Lakers.
Nagtala rin si Rondo, nagmula sa Boston Celtics, ng 8 rebounds at 7 assists para sa pang-limang sunod na panalo ng Dallas kontra sa Lakers sa regular season.
“We basically just have to communicate on the floor,” wika ni Rondo. “The game is still the same.”
Hindi na naman nakalaro si Kobe Bryant sa ikatlong sunod na pagkakataon sa panig ng Los Angeles para ipahinga ang kanyang sumasakit na katawan.
Maaari siyang magbalik sa laro sa kanilang home game laban sa Phoenix Suns.
Pinanood ni Bryant, ang NBA No. 3 career scorer mula sa Lakers’ bench ang paglampas ni Nowitzki kay Elvin Hayes sa eight place sa scoring list.
Isinalpak ng 36-anyos na si Nowitzki ang isang long jumper sa kanyang unang posesyon sa pagsisimula ng third quarter para ungusan si Hayes sa listahan.
Angat ngayon si Nowitzki, ang highest-scoring foreigner sa league history sa kanyang 27, 322 points, ng 9 points kay Hayes.
Tumipa naman si Carlos Boozer ng 18 points para sa Lakers.
- Latest