Kobe Paras tinulungan ang LA Cathedral sa korona
MANILA, Philippines - Mula sa kanyang magagandang inilaro sa Los Angeles Cathedral sa isang Southern California high school tournament ay nagsimula na si Kobe Paras, anak ni PBA rookie Most Valuable Player Benjie Paras, na mapalapit sa kanyang pangarap na makapaglaro sa NBA.
Tinulungan ng 6-foot-6 na si Paras, nagsimulang maglaro ng high school ball para sa La Salle-Greenhills bago nagtungo sa LA ngayong taon, ang Cathedral na sikwatin ang come-from-behind 65-63 victory para makamit ang San Fernando Valley Invitational title.
Bagama’t ang triple ng kakamping si Milan Acquaah ang naggiya sa Cathedral sa tagumpay, isa naman si Paras sa namayagpag para sa koponan nang magposte ng average na 16 points sa lahat ng kanilang anim na panalo, tampok dito ang isang 30-point performance sa kanilang 77-67 semifinal win kontra sa Alema.
Dahil dito, hinirang si Paras sa All-Tournament Team.
“Great win! Thank you to everyone who watched! & a big s/o to Chaminade and the Chaminade SS! I hope my school has a SS section like that,” sabi ni Paras sa kanyang Twitter account @Im_Not_Kobe.
Ginagamit ni Paras ang kanyang United States experience para sa katuparan ng kanyang pangarap na makapaglaro sa NBA.
Nakatakdang maglaro si Paras para sa US NCAA Division I team na UCLA Bruins.
- Latest