Love pinasiklaban ang Wolves
CLEVELAND – Naghatid ng 20 puntos at 10 rebounds si Kevin Love nang hinarap ang dating koponan na Minnesota para tulungan ang Cleveland sa 125-104 panalo noong Martes ng gabi sa NBA.
Si LeBron James ay may 24 puntos habang si Kyrie Irving ay may 29 puntos para sa Cavaliers na nakita rin ang pagkawala ng sentrong si Anderson Varejao.
Kinailangang tulungan ng mga kakampi si Varejao na ilabas sa court sa ikatlong yugto nang hindi maiapak ang kaliwang paa.
Ito ang ika-12 panalo sa 15 laro ng Cavaliers upang tabunan ang mahinang 5-7 panimula sa liga.
Si Love ay naglaro ng anim na seasons sa Timberwolves pero sa off-season ay ipinamigay sa Cavaliers kapalit ni rookie Andrew Wiggins at dating top pick Anthony Bennett.
Ang pagpasok ni Love ang kumumpleto sa ‘Big Three’ ng Cavaliers para maging palaban sa NBA title.
Ipinakita naman ni Wiggins na tama ang pagkakuha sa kanya ng Minnesota sa ibinigay na 27 puntos pero hindi napigil ang paglasap ng ikaanim na sunod na pagkatalo at 12 sa huling 13 laro.
“I try to stay off that stuff,” wika ni Love matapos akusahan na hindi tapat sa Minnesota nang pumayag na kunin ng Cavaliers.
“I know when somebody leaves, they more often than not don’t want to say good thing about him,” dagdag nito.
Babalik si Love sa tahanan ng Timberwolves sa Enero 31 at naghahanda na rin ang player sa posibleng di magandang pagtrato sa kanya sa court.
- Latest