Suporta ng Mitsubishi sa Grade 1 Jr. event inalis na
MANILA, Philippines – Matatagalan uli bago makita sa Pilipinas ang mahuhusay na junior netters sa mundo sa isang kompetisyon.
Sa pagpupulong na ginawa kahapon ng pamunuan ng Philta, nagdesisyon ang mga opisyal na isantabi muna ang pagtayo ng bansa bilang punong abala sa Grade I junior event para sa kalalakihan at kababaihan.
Nauna nang nagpasabi ang Mitsubishi Lancer na siyang nagtaguyod sa kompetisyon ng International Junior Tennis Championships sa loob ng 25 taon, na itigil na ang kanilang pagsuporta.
Sinikap ng Philta na maghanap ng kumpanyang puwedeng pumalit sa umalis na sponsor na isa sa mga tinitingala sa paggawa ng mga sasakyan pero nabigo sila.
“Nasa P3.5 milyon taun-taon ang gastusin ng sponsor dahil libre ang tirahan at pagkain ng mga foreigners. Kaya lang, kaunti lang ang nanonood dahil ang mga panlaban natin ay hindi makasabay,” wika ni Philta secretary-general Romy Magat.
Sa halip ay pagtutuunan na lamang ng NSA na nangangalaga sa tennis ng bansa ang magdaos ng mas mababang lebel ng international tournaments.
“Mga Grade 4 o 5 na lamang ang iho-host natin. Mas mura ito at mas maraming local players ang makakasali. Magkakaroon din kami ng mga trainers o hitters para sa aming training program para ang mga ranking players natin ay puwedeng mag-training everyday. Pero inaantay pa namin ang approval ng PSC sa bagay na ito,” dagdag pa ni Magat.
Kabilang sa mga dayuhang naglaro sa nasabing ITF event na kuminang sa larangan ng tennis ay sina Andy Roddick at Lleyton Hewitt na naging number one sa men’s division at si Leander Paes ng India na naging world champion sa doubles.
Hindi naman nabokya ang Pilipinas kung titulong pinagwagian sa kompetisyon ang pag-uusapan dahil sina Francesca La’O, Jennifer Saret at Maricris Fernandez ay nanalo ng titulo sa kababaihan.
- Latest