Paalam 2014
Balang araw, masarap nating babalikan ang taong 2014.
Maraming nangyari sa larangan ng sports. At sa kabuuan ng taong ito, naging exciting ito para sa Pinoy sports fans.
Muling pinaligaya ni Manny Pacquiao ang sambayanan ng ipanalo niya ang dalawang laban kay Tim Bradley at Chris Algieri. Parehong impresibo ang panalo.
Sa mga nagduda sa kanya matapos ang mapait na 2013, pinatunayan ni Pacquiao sa huli niyang dalawang laban na hindi pa siya laos.
Eto ngayon at patuloy niyang hinahabol si Floyd Mayweather Jr. Sana nga ay matuloy na ang laban na ating minimithi.
Sa basketball, pinanatili ng Gilas Pilipinas ang mga fans nang lumaro sila sa FIBA World Championship sa Spain.
Iisa ang pinanalo ng Gilas ni coach Chot Reyes pero sa bawat laro naman nila ay lumaban sila ng husto. Dikit ang ilang laban sa mga powerhouse teams gaya ng Argentina at Puerto Rico.
Hindi man sila umabot sa second round, wala silang dapat ikahiya.
Nandiyan din si Donnie Nietes, ang Pinoy boxing champion na nagpatuloy sa kanyang pamumuno sa light-flyweight division.
Sampung taon na ang kanyang winning streak at sa pagsapit ng Dec. 31 ay lalampasan na niya ang record ni Gabriel Elorde bilang pinakamatagal na Pinoy boxing champion.
Mahigit pitong taon na world champion si Nietes at sana ay magpatuloy pa siya.
Marami pang nagdala ng karangalan para sa bansa natin gaya ni Daniel Caluag na nagwagi ng ginto sa BMX competitions sa Asian Games sa Incheon, South Korea.
Nanalo rin ng gold ang archer na si Luis Gabriel Moreno sa Youth Olympics sa Nanjing, China.
Ilang lang sila sa nagpaligaya ng taon natin sa larangan ng sports.
Salamat sa inyo.
- Latest