Baldwin binigyan ng 4-taon sa Gilas
MANILA, Philippines - Papangalanan na sa Lunes si American coach Tab Baldwin para maging head coach ng national men’s basketball team.
Sa ulat ng InterAksyon matapos makapanayam si SBP vice chairman Ricky Vargas, si Baldwin ang uupo kapalit ni Chot Reyes para pangasiwaan ang paghahanda ng national men’s team sa malalaking kompetisyon na sasalihan sa susunod na taon.
Nauna nang inilagay ang American coach bilang matunog sa puwesto dahil pasok siya sa criteria na inilagay para sa kukuning bagong mentor na dapat ay kabisado ang international basketball bukod sa Gilas program at may panahon para sa koponan.
Apat na taon ang kontrata ni Baldwin na bago ang posisyong ito ay naging consultant ni Reyes sa Gilas sa huling dalawang taon.
Bagamat apat na taon ang kontrata, puwede itong palawigin kung pumasok ang Pambansang koponan sa World Cup.
Si Baldwin ay isang American-Australian basketball coach at siya ang nakaupo noong nakarating ang Tall Blacks team ng New Zealand sa semifinals ng 2002 World Championship. Kasalukuyang consultant ngayon si Baldwin ng Talk ‘N Text sa PBA.
Ang SEA Games sa Singapore sa Hunyo at ang FIBA Asia Men’s Championships na isa ring Rio de Janiero Olympic qualifying na gagawin sa China mula Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 ang malalaking torneo na haharapin ng bubuuing Pambansang koponan. (AT)
- Latest