Team UAAP-Phl pumang-lima sa Asean
MANILA, Philippines – Isang pilak at dalawang tansong medalya sa swimming competition.
Ito ang inangkin ng Team University Athletic Association of the Philippines (UAAP)-Philippines para sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa Asean University Games sa Palembang, Indonesia.
Isinara ng koponan ang kanilang magandang ipinakita sa nasabing biennial meet para sa mga student athletes sa rehiyon bilang fifth-placer.
Ito na ang pinakamagandang pagtatapos ng Team UAAP-Philippines sa Asean University Games makaraang pumang-anim noong 2008 sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nag-uwi ang delegasyon ng 8 golds, 12 silvers at 21 bronzes.
Kumolekta ang Team UAAP-Philippines ng 4 gold, 3 silver at 9 bronze medals sa swimming, habang naglista ng 4-4-4 tally sa taekwondo, 2-1-3 sa athletics at isang silver sa diving at isang bronze sa women’s volleyball para sa kabuuang 10 gold, 11 silver at 22 bronze medals sa regional meet na nagsimula noong December 9.
Hinirang na overall champion ang host Indonesia (64-77-45) kasunod ang Thailand (52-34-23), Malaysia (38-39-49) at Vietnam (24-14-2).
Kinuha ni Hannah Dato ng Ateneo ang silver medal sa women’s 100 meters freestyle para idagdag sa kanyang personal na koleksyon kasama ang 3 gold, 1 silver at 1 bronze.
Nagsumite si Dato, ang UAAP women’s swimming MVP, ng oras na 58.06 para pumangalawa kay Chui Lai Kwan (57.97) ng Malaysia kasunod si Benjaporn Sriphanomthorn (58.12) ng Thailand.
Nakamit din ng Lady Eagle sensation ang bronze sa women’s 200-meter butterfly sa kanyang oras na 2:22.62 sa ilalim nina Cai Lin (2:18.88) ng Malaysia at Raina S. Grahana (2:19.54) ng Indonesia.
“I wasn’t really expecting it,” sambit ni Dato.
Pinitas ng Ateneo standout at London Olympian na si Jessie Khing Lacuna ang tanso sa men’s 1,500-meter freestyle sa kanyang tiyempong 16:47.15 sa ilalim nina Kevin Soon Choy Yeap (15:53.67) at Vernon Lee Jeau Zhi (16:14.79) ng Malaysia.
- Latest