Bakers, Rhum masters nagpasolido
MANILA, Philippines - Naisakatuparan ng Café France Bakers at Tanduay Light Rhum Masters ang hanap na panalo upang mapanatili sa inookupahang puwesto sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Complex sa Pasig City.
Gumawa ng 32 puntos at 12 rebounds si Joseph Sedurifa at siya ang nagbigay ng malakas na panimula at pagtatapos sa Bakers para sa 88-74 panalo laban sa Bread Story-LPU Pirates.
Naghatid agad ng 17 puntos si Sedurifa sa unang yugto para ilayo ang koponan sa 30-16 habang ang kanyang limang free throws sa kaagahan ng huling yugto ang nagtulak para lumayo uli ang Bakers matapos makatabla ang Pirates sa 62-all matapos ang tatlong yugto.
May 13 puntos si Rodrigue Ebondo habang 12 pa ang ginawa ni Maverick Ahanmisi para sa Bakers na nakabangon agad mula sa 55-70 pagkatalo sa Ha-pee Fresh Fighters tungo sa pumapangatlo pa ring 6-2 baraha.
“Gusto ng mga players na magkaroon ng magandang Pasko sa team. Bonus din ang ibinigay na offense ni Sedurifa dahil sa depensa ko siya inaasahan,” wika ni Bakers coach Edgar Macaraya.
May 12 puntos si Aljon Mariano sa first period para makalamang agad ang Rhum Masters tungo sa 70-57 panalo sa Racal Motors Alibaba sa isa pang laro.
Tumapos si Mariano bitbit ang 21 puntos para sa Rhum Masters na tuluyang iniwan ang Alibaba sa ikatlong yugto nang kunin ang 23-11 palitan.
Ikatlong sunod na panalo ito ng tropa ni coach Lawrence Chongson para sa 4-4 baraha.
“We have to continue improving because our next games will be important to us as far as our drive for the Top Four is concern. But we will first take a short Christmas break,” wika ni Chongson na nasa ikaanim na puwesto sa 12-koponang liga.
- Latest