Loyzaga tumanggap sa PSC ng P1M
MANILA, Philippines - Mula nang maimplementa ang Administrative Order No. 352 sa ilalim ni dating Pangulong Fidel V. Ramos noong 1997 ay dalawang taon lamang nakatanggap ng P3,500 monthly pension si basketball legend Carlos ‘The Big Difference’ Loyzaga.
At dahil dito ay sinulatan ni actress Bing Loyzaga si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia kaugnay sa buwanang pensyon na hindi nakuha ng kanyang ama.
“Talagang I felt bad na hindi ito naibigay sa kanya for how many years and in the last two years lamang nakatanggap si Caloy ng kanyang monthly pension worth P3,500,” wika kahapon ni Garcia.
Bilang pagpapahalaga sa kontribusyon ni Loyzaga sa Philippine sports ay ibinigay ni Garcia sa basketball great ang tsekeng P1 milyon.
“Actually, more than P600,000 ang dapat sana ay matatanggap niya sa mga years na hindi niya natanggap ‘yung monthy pension niya,” sabi ni Garcia. “But since Christmas naman ngayon we might as well round it off to P1 million.”
Kasama si Bing at sakay ng wheelchair ay personal na tinanggap ng 84-anyos na two-time Olympian ang tseke mula kay Garcia.
Bukod tangi namang si light fly Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr. ang nabigyan ng one-time cash incentive na P750,000 maliban sa lifetime monthly pension na P7,000 dahil sa pagsikwat sa silver medal sa Olympic Games sa Atlanta, USA noong 1996.
- Latest