CSB Spikers pasok sa final four ng NCAA
MANILA, Philippines – Ipinatikim ng St. Benilde Lady Blazers sa San Sebastian Lady Stags ang ikalawang pagkatalo sa 90th NCAA women’s volleyball sa pamamagitan ng 25-18, 25-23, 25-20 panalo kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Jeanette Panaga ay may 12 kills at 4 blocks tungo sa 17 puntos para pangunahan ang Lady Blazers na umakyat sa 6-2 baraha.
Nakakalas ang Lady Stags sa pakikisalo sa ikalawang puwesto sa nagdedepensang Perpetual Help Lady Altas (7-1), pero wala nang epekto ito sa kampanya ng koponan sa titulo dahil pasok na sila sa Final Four kasama ng St. Benilde, Perpetual at Arellano Lady Chiefs na hindi pa natatalo matapos ang walong laro.
Ang apat na nabanggit ay sasalang sa isa pang single round robin para madetermina kung sino ang magtutuos sa kampeonato sa kababaihan.
Pormal na ipinasok ng St. Benilde Blazers ang sarili sa semifinals sa men’s division nang pabagsakin ang San Sebastian Stags via straight sets, 28-26, 25-17, 25-17.
Nagdala sa laban ng Blazers sina Johnvic De Guzman at Racmade Etrone sa kanilang 15 at 10 hits para hagipin ng koponan ang ikaanim na panalo matapos ang walong laro at tablahan ang Arellano Chiefs sa ikatlo at apat na puwesto.
Tinapos ng EAC Generals ang kampanya sa elimination round bitbit ang ika-siyam na sunod na panalo matapos ang 25-19, 25-14, 25-21 tagumpay sa Mapua Cardinals.
Ang nagdedepensang kampeon sa kalalakihan na Perpetual Help Altas ang kukumpleto sa semis cast sa nasabing dibisyon. (AT)
- Latest