Texters, Kings maglalaglagan
MANILA, Philippines - Aminado si Barangay Ginebra head coach Jeffrey Cariaso na magiging ‘underdog’ sila laban sa Talk ‘N Text ni mentor Jong Uichico.
“Talk ‘N Text is very good in terms of understanding what they do. They’re very experienced. This team, their core, have been together for a long time,” wika ni Cariaso.
Paglalabanan ng Gin Kings at ng Tropang Texters ang ikaapat at huling semifinals berth ng 2014-2015 PBA Philippine Cup sa kanilang banggaan ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sinibak ng Ginebra ang Globalport, 95-78, samantalang pinagbakasyon ng Talk ‘N Text ang Barako Bull, 105-76, sa kanilang mga quarterfinals match noong nakaraang Biyernes.
Ang mananaig sa Gin Kings at Tropang Texters ang sasagupa sa No. 1 San Miguel Beermen para sa best-of-seven semis series.
Lalabanan naman ng Alaska ang No. 2 Rain or Shine sa isa pang semis showdown.
Sa kanilang unang paghaharap sa eliminasyon ay tinalo ng Ginebra ang Talk ‘N Text, 101-81, sa pagbubukas ng 40th PBA season sa Philppine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Oktubre 19.
Sina LA Tenorio, one-time PBA Most Valuable Player awardees Mark Caguioa at Jayjay Helterbrand, Japeth Aguilar at seven-foot center Greg Slaughter ang muling aasahan ng Ginebra.
Ibabandera naman ng Texters sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo, Jimmy Alapag, Ryan Reyes, Kelly Williams at Harvey Carey.
- Latest