Hapee papasukin ang q’finals
MANILA, Philippines – Magkakasukatan ang apat na nangungunang koponan sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Marikina Sports Complex, Marikina City.
Ang mga walang talong Hapee Fresh Fighters at Cagayan Valley Rising Suns ay mapapalaban sa Café France Bakers at Jumbo Plastic Giants at balak na maipagpatuloy ang pagdodomina sa liga.
May nangungunang 6-0 baraha ang Fresh Fighters habang ang Rising Suns ay may limang sunod na panalo.
Unang laro sa ganap na alas-10 ng umaga ay ang tagisan ng Cebuana Lhuillier Gems at AMA University Titans na mag-uunahan sa paghablot ng kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Ang Hapee-Café France na laro ay dapat ginanap noong nakaraang Lunes pero kinansela dahil sa bagyong ‘Ruby’.
Papasok ang bataan ni coach Ronnie Magsanoc mula sa 65-43 pagdurog sa Wangs Basketball at ang maitatalang tagumpay ay magbibigay ng unang puwesto sa quarterfinals bukod sa paglapit sa inaasam na awtomatikong puwesto sa semifinals.
May pumapangatlong 5-1 baraha ang Bakers at gagamitin nila ang matibay na depensa para supilin ang mga kamador ng Hapee sa pangunguna nina Garvo Lanete, Bobby Ray Parks Jr. at Ola Adeogun.
Papasok din ang Rising Suns mula sa 120-77 panalo sa MP Hotel Warriors sa larong nakitaan ang koponan ng pagkakaroon ng pitong manlalaro na nasa double-digits.
Sa kabilang banda, hanap ng Giants ang maiusad ang pumapang-apat na 5-2 baraha ngunit gagawin nila ito ng hindi makakasama ang mga malalaking manlalaro na sina Jan Colina at MacLean Sabellina dahil sa injuries.
Dahil dito, dapat na magpatuloy ang magandang ipinakikita nina Dexter Maiquez, Jaymo Eguilos at Joseph Terso para ipatikim ng Rising Suns ang kanilang unang kabiguan.
Ang Cebuana ay manggagaling sa dalawang linggong pahinga at umaasa ang mga tagahanga ng Gems na hindi kinalawang ang laro ng kanilang paboritong manlalaro.
Noon pang Disyembre 1 huling nasalang sa aksyon ang Gems at tinalo nila ang MJM M-Builders, 87-72, matapos ang 26 puntos ni Vosotros.
Bukod kay Vosotros, sina Norbert Torres, Kevin Ferrer, Allan Mangahas at Mar Villahermosa ay dapat ding kuminang para maitaas ang kasalukuyang 3-3 karta sa liga.
- Latest