Azkals ‘di papatalo sa Thais
MANILA, Philippines – Malalaman sa gabing ito kung makakagawa pa ng kasaysayan ang Philippine Azkals sa pagharap sa War Elephants ng Thailand sa ikalawa at huling laro sa 2014 AFF Suzuki Cup semifinals.
Sa ganap na alas-8 ng gabi (Manila time) sa harap ng tiyak na mag-uumapaw na Rajamangala Stadium sa Bangkok, Thailand gagawin ang tagisan at kailangan ng Azkals na makahirit ng scoring draw upang umabante sa championship round ng liga sa kauna-unahang pagkakataon.
Winakasan ng Azkals ang 14 na sunod na kabiguan sa kamay ng Thais mula 1971 nang iuwi ang 0-0 tabla sa home game ng Pambansang koponan noong Sabado ng gabi sa Rizal Memorial Football Pitch.
Bago ang laro ay nasabi ni German-American Azkals coach Thomas Dooley na dapat patunayan sa lahat na tunay ang galing ng Azkals at mangyayari lamang ito kung mananalo sa malalaking laro tulad ng pagsungkit ng tagumpay bilang dayong koponan sa larong ito.
“I have seen the sparks in our side. They (Thais) will do everything to beat us and we just have to be ready,” wika ni Dooley.
Depensa ang siyang pangunahing sandata na gagamitin ng Azkals para pigilan ang tiyak na mas maigting na pag-atake mula sa home team.
Dalawang strikers ang hindi makakasama ng Thais sa larong ito dahil may injury si Kirati Kawesombut habang suspendido si Adisak Kraisorn matapos bigyan ng red card nang saktan si Amani Aguinaldo.
Ang mananalo ang makakaharap ng alinman sa Vietnam o Malaysia sa isa pang semis match. (AT)
- Latest