UE winalis ang men’s at women’s fencing
MANILA, Philippines - Dinomina ng University of the East ang mga labanan sa men’s at women’s division para angkinin ang korona ng UAAP Season 77 fencing tournament noong Linggo sa UP CHK Gym.
Pinangunahan ni season MVP Nathaniel Perez, kumolekta ang Red Warriors ng 4 golds, 1 silver at 2 bronze medals para sikwatin ang kanilang ikatlong sunod na men’s crown sa four-day event.
Tinalo ng UE ang University of Santo Tomas (1-2-2) at ang University of the Philippines (1-1-3) para sa league-best nilang pang-siyam na titulo.
Sa pamumuno naman ni tournament MVP Kea Gonzales, kinuha ng Lady Warriors ang kanilang pang-walong sunod na titulo at makamit ang record na ika-siyam sa kabuuan sa womens’ side.
Inangkin ng Lady Warriors ang lima sa anim na gold medals na nakahanay bukod pa sa 2 silvers at 1 bronze para ungusan ang Tigresses, nagtala ng 1 gold, 4 silvers at 3 bronze medals para sumegunda.
Tumapos ang Ateneo sa ikatlo sa kanilang ibinulsang tatlong tansong medalya.
Ang Rookie of the Year honors ay ibinigay kay Armstrong Tibay ng UP sa men’s division at kay Nicole Cortey ng UE sa women’s division.
Hindi lamang sa seniors division rumatsada ang UE kundi maging sa high school.
Inangkin ng UE ang ‘five-peat’ sa boys’ division at pinamahalaan ang girls side sa ikaapat na sunod na taon.
Samantala, kinansela ang UAAP athletics tournament kahapon sa Philsports oval dahil sa bagyong “Ruby”.
- Latest