Air Force kampeon sa PSC Chairman’s Cup
MANILA, Philippines – Humataw ng three-run homerun si Ernesto Binarao sa isang two-out situation sa third inning, habang nagpasikat ang relief pitcher na si Jon Jon Robles para kilalaning kampeon ang Air Force sa 2nd PSC Chairman’s Cup Baseball Classic sa pamamagitan ng 7-3 panalo sa nagdedepensang Philab kahapon sa Rizal Memorial Baseball Diamond.
Naunang umabante ang Philab sa 3-0 matapos ang unang dalawang innings pero pinawi ito ng Air Force sa limang runs mula sa limang hits sa sumunod na inning.
May one-run double si Rizel Santos, habang run-single ang ginawa ni Junifer Pinero para ipasok sina Christian Galedo at Jerome Basaricas.
Sinundan ito ni Binarao ng malakas na hataw sa fast ball pitch ni Ballbusters pitcher Joseph Orillana patungo sa upper wall ng left field tungo sa homerun at paiskorin din sina Santos at Pinero tungo sa 5-3 kalamangan.
Hindi natalo sa kabuuan ng torneo ang Air Force at binawian nila ang Philab na tumalo sa kanila ng dalawang beses tungo sa korona sa unang edisyon sa palarong inorganisa ni PSC chairman Ricardo Garcia.
Hindi nakarating si Garcia sa awarding ceremony dahil nasa Malaysia ang PSC chief para sa pagbubukas ng 2014 BIMP-EAGA Games.
- Latest