18 teams nag-apply para sa 2015 Le Tour
MANILA, Philippines – Umabot na sa 18 foreign teams ang bilang ng mga aplikante para sa 6th Le Tour de Filipinas na pakakawalan sa Pebrero 1-4, 2015.
Kabilang sa listahan ay ang apat na koponan ng Iran na TSR Continental Team, TPT Cycling Team, Pishgaman Yazd Pro Cycling Team at Tabriz Shahrdadi Team, habang ang Team Ukyo at Bridgestone Cycling Team ay kakatawan sa Japan bukod pa sa RTS Carbon Team at Attaque Team Gusto ng Taiwan.
Nakakuha rin ng interes ang Le Tour mula sa Europe, ang Frøy-Bianchi Continental Team na nakabase sa Norway, United States, Team Novo Nordisk (TNN), Australia, Satalyst Giant Racing Team at Team Vorarlberg.
Ilan pa sa mga aplikante para sa 2015 Le Tour ay ang Brunei (CNN Cycling team at Brunei Prince’s Team), Kazakhstan (Astana Continental Team), Indonesia (Pegasus Continental Team), Malaysia (Terengganu Cycling Team) at Uzbekistan (National Team).
Inorganisa ng Ube Media, ang karera na inilunsad ni Air21 PhilCycling chairman Bert Lina ay naglalayong dalhin ang Philippine cycling sa global stage.
Ang Stage One sa Pebrero 1 ay isang out-and-back 126-km Balanga-Balanga ride sa mga bundok ng Bataan, habang ang Stage 2 sa Pebrero 2 ay 153.75 kms flat racing mula Balanga hanggang sa Iba, Zambales.
Ang Stage 3 sa Pebrero 3 ay isang 149.34-km race mula sa Iba patungong Lingayen, Pangasinan at ang Stage 4 sa Pebrero 4 ay galing sa Lingayen hanggang sa Burnham Park sa Baguio City via Kennon Road.
Tanging sina Baler Ravina (2012) at Mark John Galedo (2014) ang mga Filipino riders na naghari sa Le Tour kahanay sina Rahim Emami (2011) at Ghader Mizbani (2013) ng Iran at David McCann (2010) ng Ireland.
- Latest