Lim may kaunting pagbabago
MANILA, Philippines – Hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring malay si PBA legend Samboy Lim, ngunit may ilang positibong simbolo na makaka-rekober siya kasabay ng patuloy na pagdarasal ng kanyang pamilya, kaibigan at fans.
Higit sa isang linggo na mula nang kumulapso ang 52-anyos na si Lim matapos ang ilang minutong paglalaro sa isang basketball event na inorganisa ng Resorts World Manila sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Bumandera si Lim para sa Legends squad ni coach Bogs Adornado matapos magsalpak ng dalawang three-point baskets nang ipahinga siya sa bench.
Inireklamo ni Lim ang pananakit ng kanyang balikat. Matapos uminom ng tubig ay bigla na lamang siyang tumumba at nawalan ng malay sa tabi ng kanyang kakamping si Noli Locsin.
Walang doktor o ambulansyang nakaantabay sa naturang laro.
Hindi nakapagsagawa ng CPR kay Lim na itinakbo sa Medical City ng kanyang kakamping si Alvin Patrimonio.
Wala siyang pulso nang tanggapin sa emergency section ngunit na-revive ng mga duktor.
Para maiwasan ang anumang epekto sa kanyang utak ay inilagay ng mga doktor si Lim sa therapeutic hypothermia kung saan ang temperatura ay 32 degrees sa loob ng 48 oras.
Pumayag ang pamilya ni Lim sa nasabing medical procedure.
Tinanong din ng mga doktor sa pamilya ni Lim kung maaari silang magsagawa ng dialysis kung magkakaroon siya ng kidney failure habang nasa ICU. Ngunit nagpatuloy sa pagkilos ang vital organs ni Lim.
Nasa stable condition din ang heart at blood pressure ni Lim.
“Samboy is a fighter,” sabi ng isa niyang teammate.
Nakita sa neurological tests ang brain activity ni Lim, ngunit patuloy siyang oobserbahan ng mga doktor ukol sa kanyang mental condition.
- Latest