Narayanan, Suede kampeon sa Asian Jrs
TAGAYTAY CITY, Philippines--Pinayuko nina Indian International Master Srinath Narayanan at Filipino Mikee Charlene Suede ang kanilang mga karibal para pormal na angkinin ang kani-kanilang mga titulo sa 2014 Asian Juniors and Girls Championships sa Tagaytay International Convention Center.
Bagama’t tiyak nang makakamit ang kanilang mga korona matapos ang eighth round noong Miyerkules ng gabi ay pinilit pa ring talunin nina Narayanan at Suede sina Renz Marvin Santos at Indian Pv Nandhidhaa, ayon sa pagkakasunod, sa kanilang mga huling laro.
Ipinoste ng top-seeded na si Narayanan ang malinis na 8.0 points sa likod ng kanyang 7 wins at 2 draws para mapanatili ang kanyang Open division crown kasunod si FIDE Master Paulo Bersamina, tumalo kay Radcliff Paras ng Guam.
Nagsulong naman si Suede ng 7.5 points para angkinin ang girls’ division plum sukbit pa ang Woman International Master title.
Nakamit din ni Suede, isang Physical Education senior sa University of the Philippines, ang Woman Grandmaster norm, ayon kay Asian Chess Federation executive director at chief arbiter Casto Abundo.
Samantala, ilang bigating foreign players ang makikita sa aksyon sa pagsulong ng Philippine International Chess Championship sa Celebrity Sports Plaza ngayong hapon sa Quezon City.
Sina Russian Grand Masters Ivan Popov at Anton Demchenko, may ELO rating na 2622 at 2596, ayon sa pagkakasunod, ang tatayong No. 1 at No. 2 seeds sa torneong may nakalatag na $30,000 premyo.
Pangungunahan naman ni US-based Catalino Sadorra, may ELO rating na 2596, ang kampanya ng mga Filipino pawn pushers.
Ang iba pang Pinoy na sasabak sa torneo ay sina GMs Darwin Laylo (2500), Mark Paragua (2484), Rogelio Barcenilla (2455), Eugene Torre (2448) at Richard Bitoon (2413).
- Latest