Nietes umukit ng kasaysayan sa boxing
MANILA, Philippines - Matamis ang pagsalubong sa Kapaskuhan ang gagawin ni Donnie “Ahas” Nietes matapos selyuhan ang kanyang lugar sa Philippine boxing.
Matatandaan na tinalo ni Nietes si Carlos Velarde ng Mexico sa pamamagitan ng isang technical knockout sa Pinoy Pride 28 sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City kamakailan para patingkarin pa ang pangalawang pinakamahabang pag-upo bilang isang world champion mula sa Pilipinas.
Ang paboksing na ito na tinagurian din bilang “History in the Making” ay nangyari dahil sa pagtutulungan ng ALA Promotions at ABS-CBN.
Si Gabriel “Flash” Elorde ang may hawak sa record dito nang nanatiling kampeon sa junior lightweight division sa loob ng pitong taon at tatlong buwan.
Si Nietes na hari ngayon ng WBO junior flyweight ay kampeon sa loob ng pitong taon, isang buwan at 15 araw.
Ito rin ang ika-34 panalo sa 39 laban ni Nietes at isang beses pa lamang siya natatalo na nangyari noon pang Setyembre 28, 2004 sa kamay ni Angky Angkotta ng Indonesia sa via split decision.
Mananatili pa si Nietes sa pinaglalaruang dibisyon at nakatakdang magsagawa pa ng isang title defense sa Pebrero na balak gawin sa Macau, China.
Matapos ang labang ito ay tuluyan na niyang seselyuhan ang pinakamahabang naupong kampeon sa boxing sa bansa.
- Latest