Azkals draw na lang ang habol vs Vietnam
MANILA, Philippines - Dalawang mahalagang manlalaro ang hindi makakasama ng Azkals sa pagbangga sa home team Vietnam sa pagtatapos ng 2014 AFF Suzuki Cup Group elimination ngayong gabi sa My Dinh National Stadium sa Hanoi, Vietnam.
Ang tagisan ay magsisimula dakong alas-7 ng gabi (8 p.m. sa Manila) at hindi maglalaro para sa Azkals sina Juan Guirado (pulled hamstring) at Patrick Reichelt (twisted knee).
Pero walang problema sa bagay na ito si German/American Azkals coach Thomas Dooley dahil lahat ng kasapi ng koponan ay nagpapasiklab sa kompetisyon.
“I have faith in everyone we have over here,” wika ni Dooley sa official website ng liga. “Everyone will get a chance to play. But it does not mean we do not want to win.”
Sa 2-0 karta at anim na puntos, kailangan lamang ng bisitang koponan na maitabla ang laro para pangunahan ang Group A.
Ang number one sa grupo ay magkakaroon ng home court advantage sa knockout semifinals laban sa papangalawa sa Group B na ginagawa sa Singapore.
Ang Thailand na may 2-0 baraha, ang tiyak na sa unang puwesto sa nasabing grupo habang ang ikalawang puwesto ay paglalabanan ng Singapore at Malaysia.
Dahil sa magandang pagtutulungan ng lahat ng Azkals, ang Pilipinas ang una sa pagpuntos sa inangking walong goals matapos ang dalawang laro at una rin sa depensa sa natatanging goal na ibinigay sa Laos.
Hindi naman padadaig ang Vietnam na huhugot ng dagdag-lakas sa kanilang mga kababayan.
Tiyak din na may pagbabago na gagawin si Miura sa kanyang line-up para matiyak na makakasabay ang mga ito sa agresibong paglalaro ng Pilipinas.
- Latest