Ginobili humataw sa Pop-less San Antonio
SAN ANTONIO--Gumawa si Manu Ginobili ng 28 puntos at ang nagdedepensang NBA champion San Antonio ay nagposte ng 106-100 panalo laban sa Indiana Pacers kahit wala ang kanilang coach na si Gregg Popovich.
Ang assistant ni Popovich na sumailalim sa ‘minor medical procedure’, na si Ettore Messina ang humawak sa koponan.
Si Ginobili ay dating manlalaro ni Messina sa Bologna noong 2001 at lumabas ang dating gilas ng beteranong manlalaro sa second half na kung saan ibinagsak niya ang 21 puntos.
May 21 puntos pa si Tony Parker habang si Kawhi Leonard ay may 21 din bukod sa 13 rebounds at si Tim Duncan ay naghatid ng 17 puntos para ibigay sa Spurs ang ikalimang sunod na panalo at 10-4 karta.
Si Rodney Stuckey ay may 22 puntos para sa Pacers na bumaba sa 6-9 karta.
Sa Los, Angeles, kumana ng tig-19 puntos sina Marc Gasol at Mike Conley at ang una ay may 11 rebounds pa upang bitbitin ang Memphis Grizzlies sa 99-93 panalo sa Lakers.
Ito ang ikapitong sunod na panalo ng Grizzlies sa walong laro para hawakan ang 13-2 baraha at saluhan ang nasa unahan sa overall NBA standings na Toronto Raptors.
Si Kobe Bryant ay naghatid ng 22 puntos para sa Lakers na hinawakan pa ang 51-46 bentahe bago nanalasa si Gasol sa ikatlong yugto nang itarak ang 12 sa kanyang 16 second half points at ipatikim ang ikapitong kabiguan sa walong laro ng LA sa Staples Center.
- Latest