Pacquiao mabangis na laban ang ipinakita
MANILA, Philippines – Naipakita ni WBO welterweight champion Manny Pacquiao ang pinakamagandang laban matapos matalo ng dalawang sunod noong 2012 nang hiritan niya ng kumbinsidong unanimous decision panalo ang malaki pero kulang sa diskarteng si Chris Algieri kahapon sa nag-uumapaw na Cotai Arena sa Venetian Resorts, Macau, China.
Ang ipinagmamalaking lakas at bilis na siyang pangunahing sandata ni Pacquiao ay nakita sa kabuuan ng 12 rounds at kinatampukan ang one-sided na bakbakan ng anim na knockdowns ng 5’10 challenger.
Matibay lamang si Algieri at nakaiwas sa naunang inasinta na knockout panalo ni Pacman pero ang mga iskor ng tatlong hurado ang magsasabi na hindi ka-lebel ni Pacquiao si Algieri matapos kumuha ng 119-103 kina Levi Martinez at Patrick Morley at 120-102 kay Michael Pernick.
“Tonight, I did my best. I’m satisfied. I worked a lot more on my power and I came to fight,” wika ni Pacquiao na nailista ang ika-57 panalo sa 64 laban.
Ito ang unang pagkatalo matapos ang 20 sunod na panalo kay Algieri na sumaludo sa galing ng natatanging 8-division world champion sa mundo.
“Manny is the best in the world,” wika ni Algieri na unang bumuwal sa second round bago nasundan ng dalawa pa sa sixth at ninth round at isa sa 10th round.
Ngayon naalpasan ni Pacquiao si Algieri, wala na siyang ibang nais na makalaban pa kundi ang kasalukuyang pound for pound king na si Floyd Mayweather Jr.
“I think it’s time to make that fight happen.I think the fight it has to happen because the fans deserve that,” sabi pa ng Kongresista ng Sarangani Province.
Nagpasiklab na at nailabas na uli ni Pacquiao ang kanyang saloobin sa laban kontra kay Mayweather. Ang bola ngayon ay nasa kampo ng walang talong WBC champion kung tatanggapin na ba o patuloy na iiwasan ang ipinagmamalaki ng bansa sa larangan ng boxing. (AT)
- Latest