Puwede nang magpatala sa B Bonanza Nat’l Open badminton
MANILA, Philippines – Kumpiyansa ang mga organizers ng P1.5 million Bingo Bonanza National Open badminton tournament na lolobo pa ang bilang ng mga partisipante para sa event na nakatakda sa Disyembre 11-14.
Makikita sa aksyon ang mga pinakamahuhusay na players mula sa collegiate at corporate ranks sa torneong itinataguyod ng Bingo Bonanza na tumutulong sa pagpapalakas ng badminton sa bansa.
Ang mga titulong paglalabanan sa event na may basbas ng Philippine Badminton Association na pinamumunuan nina Vice President Jejomar Binay at sec-gen Rep. Albee Benitez ay ang men’s at ladies singles, men’s at ladies doubles at mixed doubles.
Mula sa kanilang panalo sa Swiss International Badminton Championship, babanderahan nina Peter Magnaye at Paul Vivas ang star-studded cast ng mga kalahok sa men’s double kasama sina Joper Escueta at Ronel Estanislao.
Ang ranking points ang itataya sa torneong may nakalatag na P120,000 para sa mga mananalo sa men’s, women’s at mixed doubles categories, at P100,000 naman sa mga magwawagi sa men’s at women’s singles, ayon kay tournament director Nelson Asuncion.
Bukas na ang pagpapalista sa torneo kung saan ang entry fee ay P800 at ito ay matatapos sa Nobyembre 28 sa ganap na alas-5 ng hapon.
Ang listahan ng mga players ay ipoposte sa Dec. 1 at ang draw ay nakatakda sa Dec. 5, ayon sa nag-oorganisang EventKing Corp.
Ang team managers, coaches at players meeting ay gagawin sa Dec. 9 sa alas-2 ng hapon sa Rizal Memorial Sports Complex Badminton Hall.
- Latest