Third place trophy paglalabanan naman ng RTU at FEU Systema, IEM magsasagupa para sa korona ng V-League
MANILA, Philippines – Sa huling pagkakataon ay magkikita ang Systema Active Smashers at ang Instituto Estetico Manila Volley Masters para madetermina kung sino sa kanila ang kikilalaning kauna-unahang kampeon sa men’s division ng Shake’s V-League Season 11 sa The Arena sa San Juan City ngayong hapon.
Ganap na alas-2:45 ng hapon paglalabanan ang kampeonato ng dalawang koponan at mauunang sasalang ang mga collegiate teams na Rizal Technological University Blue Thunders at ang Far Eastern University Tamaraws para sa ikatlong puwesto.
Nakauna ang Systema, 21-25, 23-25, 25-19, 25-23, 16-14, pero nakabawi ang IEM nang manalo sa huling dalawang sets sa ikalawang tagisan patungo sa 19-25, 25-19, 13-25, 25-21, 15-13, tagumpay.
Dahil wala ng bukas ang matatalo sa larong ito kung kaya’t inaasahang dikdikan ang tagisan tungo sa klasikong pagtatapos ang ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at may ayuda ng Accel at Mikasa.
Napahinga rin ang dalawang koponan kaya’t napaghandaan nila nang husto ang isa’t isa kaya’t hindi malayong umabot sa deciding fifth set ang labanan.
May momentum ang IEM pero ayaw isipin ito ng kanilang coach na si Ernesto Balubar dahil sa do-or-die, ang alinmang koponan ay parehong may magandang tsansa na manalo rito.
Depensa ang pangunahing sandata ng Volley Masters bukod pa sa pagsupil sa kanilang mga errors.
“Kung magagawa namin ito, gaganda ang tsansa naming manalo,” wika ni Balubar.
Sa kabilang banda, ang Systema ang sasandal sa laki ng kanilang spikers na sina Chris Macasaet at Sylvester Hondrade.
Ang dalawang ito ay nagtulong sa paghakot ng 18 blocks sa Game One.
Ipantatapat sa kanila sina Jason Canlas at Jeffrey Jimenez na tinulungan ang IEM sa pagpoposte ng 12 blocks sa Game Two.
Ang suporta sa Systema ay manggagaling kina Angelo Espiritu, Christopher Antonio at Patrick Rojas, habang sina Salvador Timbal, Eden Canlas at Karl dela Calzada ang mga panuporta ng IEM.
Ang men’s division na lamang ang hinihintay na matapos dahil winalis ng Cagayan Valley Lady Rising Suns ang Army Lady Troopers para sa titulo sa women’s division ng torneo noong nakaraang Linggo.
- Latest