SBP naglabas ng criteria sa pagpili ng Gilas coach
MANILA, Philippines – Naglabas ng kriterya ang search and screening committee na binuo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas board of trustees para sa pagpili ng bagong head coach ng national team.
Ito ay kanilang isusumite sa SBP executive committee para sa final approval.
Ang mga dumalo sa pulong na pinamunuan ni SBP vice chairman Ricky Vargas ay sina PBA commissioner Chito Salud, PBA chairman Pato Gregorio, PBA vice chairman Robert Non at SBP executive director Sonny Barrios.
Muling mag-uusap ang komite sa susunod na linggo sa sandaling mapanalisa ang kriterya kasunod ang paggawa ng isang short list na ibibigay sa SBP executive committee na pinangungunahan ni president Manny V. Pangilinan.
Nauna nang hiniling ni Chot Reyes sa search and screening committee na huwag siyang isama sa mga ikukunsidera para sa coach ng Gilas Pilipinas.
Ang sinasabing maugong na ipapalit ng SBP ay si Tab Baldwin, ang national coach ng New Zealand at kasalukuyang team consultant ng Gilas Pilipinas at ng Talk ‘N Text.
Sa susunod na Martes ay magpupulong naman ang isa pang komite para sa selection process kaugnay sa pagbuo sa national teams na hindi kabibilangan ng mga professional players.
Ang NCAA, kabilang sa nasabing komite, ay kakata-wanin ni Paul Efren Supan, ang sports director at NCAA MANCOM chairman.
- Latest