Gomez umaasa ng ginto sa Asian Beach Games
MANILA, Philippines - Nangangarap si Richard Gomez na ang pamumunuang delegasyon ang siyang makakapaghatid ng kauna-unahang ginto ng Pilipinas sa Asian Beach Games sa Phuket, Thailand.
Si Gomez ang siyang chief of mission ng Pambansang delegasyon na katatampukan ng 77 atleta at 24 opisyal na lalaro sa 16 sports sa kompetisyong gagawin mula Nobyembre 14 hanggang 23.
“We’re always hopeful that we can bring home more medals compared to the last beach games. But again, this is a sports. It’s hard to make promises,” wika ni Gomez sa send-off ceremony sa Philsports Arena sa Pasig City kagabi.
May mga aasahang manlalaro ang delegasyon tulad nina SEA Games medalists sa Muay na sina Philip Delarmino at Jonathan Polosan bukod sa mga world championship veterans sa jetski at windsurfing na sina Billy Joseph Ang at Geylord Coveta.
Si Coveta na isang World Champion ay naglaro rin sa Asian Games pero sinamang-palad na hindi nakapaghatid ng medalya.
Ang Fil-Am na si Melissa Jacob na kasama sa 3x3 women’s basketball ang siyang itinalaga bilang flag-bearer ng delegasyon.
“We’re positive that our athletes will give their best to win those medals,” pahayag ni POC 1st VP Joey Romasanta.
Sina PSC Chairman Ricardo Garcia at Pagcor president at COO Jorge Sarmiento ang nanguna sa paggawad ng insentibo sa mga atletang nanalo sa Asiad, Para Games at ICF World Dragon Boat Championships sa Poland.
- Latest