SBP screening committee magpupulong sa Martes
MANILA, Philippines - Magpupulong sa Martes ang search & screening committee na binuo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, kinabibilangan ng mga major stakeholders at nautusan na gumawa ng short list ng coaching candidates para sa national teams na tatampukan ng mga PBA players, para magtakda ng kriterya.
Magtatakda ng petsa para sa selection process ng komite na pinamumunuan ni SBP vice chairman Ricky Vargas kasama sina PBA commissioner Chito Salud, PBA chairman Pato Gregorio, PBA vice chairman Robert Non (kumakatawan sa PBA D-League) at SBP executive director Sonny Barrios.
Susundan ito ng deliberasyon para sa irerekomendang mga pangalan na isusumite kay SBP president Manny V. Pangilinan, ang pinuno ng Executive Committee ng SBP para sa final decision.
Isang katulad na search & screening committee para sa national teams na hindi sangkot ang mga PBA players ang magpupulong sa Nobyembre 15.
Si Barrios, bilang kinatawan ng SBP, ang mangunguna sa grupo na kabibilangan din nina SBP Board of Trustees members Edmundo Baculi, kinatawan ng UAAP, Fr. Victor Calvo, O.P. (NCAA), Raul Alcoseba (CESAFI at Visayas-Mindanao regions) at Dr. Ernesto Jay Adalem (NAASCU at NCR).
Ang dalawang komite ang magrerekomenda ng mga kandidato at si Pangilinan ang may hawak ng final decision.
Ilan sa mga events na nakatakda sa 2015 ay ang 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa June at ang 28th FIBA Asia Championship sa China sa Agosto na magsisilbing regional qualifier sa Rio de Janeiro Olympics sa 2016.
- Latest