Ang umukit ng kasaysayan sa World Jet Ski
MANILA, Philippines - Gumawa ng marka si BJ Ang ng Networx Jetsports nang pumangatlo sa pangkalahatan sa ProAm Runabout Stock sa 2014 Jettribe World Jet Ski Finals sa Lake Havasu City sa Arizona, USA.
Ito ang unang pagkakataon na ang isang Filipino ay pumuwesto sa kompetisyon mula noong 1996 nang magpadala ang Jet Sports Association of the Philippines (JSAP) ng manlalaro sa prestihiyosong World Jet Ski Finals.
Tumapos si Ang sa unang puwesto sa Moto 1 at 2 para makalikom ng mahalagang puntos at malagay sa ikatlong puwesto kasunod nina Aero Aswar ng Indonesia at Eric Francis ng Palm Beach West Florida, ang nagkampeon at pumangalawa sa kompetisyon.
Ang torneo ay ikinokonsidera bilang “Olympics of Watercraft Racing” at ito ay sinasalihan ng 160 miyembrong bansa .
Nagsimula si Ang sa sport sa murang edad na siyam na taon dahil sa page-engganyo ng amang si Willie.
Ang magandang ipinakita ang kumumpleto sa pangarap ni Ang para magdesisyon na titigil na sa pagsali sa kompetisyon.
“It’s really been quite hard trying to put a balance between the hectic schedules of work and the rigorous demands of preparing for such an international event. That’s why I decided this will be my last,” wika ni Ang.
Pinasalamatan din niya ang suporta ng pamilya dahilan kung bakit siya nagtiyaga hanggang sa marating ang tagumpay na ito.
- Latest