Azkals hiniya ang Nepal
MANILA, Philippines - Nagseryoso ang Philippine Azkals sa second half para hawakan ang 3-0 panalo sa Nepalese booters sa friendly match noong Biyernes ng gabi sa Grand Hamad Stadium sa Doha, Qatar.
Sina Simon Greatwich (49th), Phil Younghusband (90+1) at Mark Hartmann (90+3) ang mga gumawa para sa bisitang koponan upang maduplika ang 3-0 ding panalo sa Nepal noong Abril 12 sa nasabing bansa.
Ang goal ni Hartman ay kanyang ikapito ngayong taon na ito upang patunayan na tama lang ang break na ibinigay sa kanya ni US-German Azkals coach Thomas Dooley nang kunin sa Pambansang koponan
Si Greatwich na ipinasok lamang sa second half, ay nakabutas sa unang pagkakataon sa kanyang international career na nagsimula noong 2008 habang ito ang 39th goal ng 27-anyos striker na si Younghusband.
Naglaro rin sa unang pagkakataon para sa Pambansang koponan si Fil-Spanish Alvaro Silva.
Nasa Doha ang koponan para sa training camp at inaasahang may lalahukan pang international friendly matches para pagtibayin ang paghahanda sa 2014 ASEAN Football Federation Suzuki Cup na magbubukas na sa Nobyembre 22.
Nasa Group A ang Pilipinas at maglalaro sa Vietnam. Bukod sa host country, ang Laos at Indonesia ang magkakasama sa grupo habang ang Malaysia, Thailand, Myanmar at host Singapore ang nasa Group B.
Hangad ng Pilipinas na mahigitan ang pagtapak sa semifinals noong 2012 edisyon. (ATan)
- Latest