PTA hangad ang hosting ng Asian Olympic Qualifying
MANILA, Philippines - Lalakas ang paghahabol ng national taekwondo jins para sa puwesto sa Rio Olympic Games sa 2016.
Ito ay kung maipagkakaloob sa Pilipinas ang karapatang isagawa sa bansa ang Asian Olympic Qualifying Tournament na nakakalendaryo sa 2015.
Ibinunyag ni Philippine Taekwondo Association (PTA) secretary-general Monsour Del Rosario na nagbi-bid ang Pilipinas na makuha ang Olympic qualifying hosting na kung ibibigay ay unang pagkakataon na mangyayari sa kasasayan ng taekwondo sa bansa.
Ang vice president ng PTA na si Sung Chon Hong ang nag-abiso sa Asian Taekwondo Federation ng pagnanais na sa bansa isagawa ang prestihiyosong torneo matapos sumali ang bansa sa Asian Games sa Incheon, Korea.
“Sa nakita ko sa panliligaw sa ibang bansa ay masasabi kong 80% ay tayo na ang host,” wika ni Del Rosario.
Si Hong ay nasa Manchester, England para saksihan ang World Taekwondo Grand Prix.
Sa nasabing kompetisyon isinalang ang electronic head gear na inaasahang maglilimita sa human error sa judging para mas maging patas ang resulta ng mga laban.
Sa pagbabalik ni Hong ay malalaman ang estado ng hosting ng bansa.
Walong weight divisions lamang ang pinaglalabanan sa Olympics at ang mga ito ay -58kg, -68kg, -80kg at +80kg sa kalalakihan at -49kg, -57kg, -67kg at +67kg sa kababaihan.
Mahalaga sa Pilipinas ang hosting dahil noong 2012 ay walang kinatawan ang bansa sa London Olympics nang walang nakalusot sa qualifying tournament.
- Latest