Mayor Erap payag na ibenta ang RMSC
MANILA, Philippines - Umaasa si PSC chairman Ricardo Garcia na mauuwi sa maganda ang usapan sa pagitan nina POC president Jose Cojuangco Jr. at Manila Mayor Joseph Estrada para sa pagbenta ng Rizal Memorial Sports Complex.
Ang unang balita na nakuha ni Garcia ay positibo si Estrada na ibenta ang makasaysayang complex at parte ng perang malilikom ay ilalaan para ipantustos sa makabagong pasilidad sa Clark sa Pampanga.
“Positive,” wika ni Garcia sa unang pag-uusap ng dalawang opisyales. “Excited si Mayor (Estrada) na makatulong sa sports at the same time, magamit ang Rizal sa ibang proyekto ng Manila.”
Nagsagawa na ng ocular inspection si Garcia sa lugar na balak pagtayuan ng bagong complex at pasado ito sa kanyang panlasa para mas makapagsanay nang mabuti ang Pambansang atleta.
Tinatantiya na nasa P3 bilyon ang perang kailangan para maitayo ang plano.
Training center ang balak ng mga sports officials pero nasa plano rin ang pagpapatayo ng mga bleachers na puwedeng magamit ng mga manonood sakaling gamitin ang pasilidad sa kompetisyon.
Matagal na sa plano ang pagpapatayo ng ba-gong pasilidad dahil ang Rizal Memorial Complex ay hindi na angkop para pagsanayan dahil bukod sa polusyon ay puno na rin ng mga establisimiyento ang kapaligiran nito na nakakatulong sa pagsira sa focus ng isang manlalaro.
- Latest