Systema ‘di pinaporma ang RTU
MANILA, Philippines - Binigyan ng Systema Active Smashers ang sarili ng momentum patungo sa mahalagang tagisan sa Instituto Estetico Manila Volley Masters sa madaling 25-14, 25-19, 25-22, straight sets panalo sa Rizal Technological University Blue Thunders sa Shakey’s V-League Season 11 Third Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagamit ng koponan ang laro para bigyan din ng playing time ang ibang manlalaro para maikondisyon ang mga ito papasok sa finals sa men’s division na inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Accel at Mikasa.
No bearing game na ang larong ito dahil selyado na ng Systema at IEM ang puwesto sa championship sa kalalakihan bago pa man ang tagisan.
Ang Active Smashers at Volley Masters ay magkikita bukas sa pagtatapos ng elimination round para madetermina kung sino ang mangunguna sa unang yugto ng kompetisyon.
Ang tagumpay ng Systema ang nagresulta para magsalo sila ng pahingang IEM sa 4-1 baraha.
Nagpakawala si Christopher Antonio ng 14 puntos, tampok ang 11 kills, kahit sa unang dalawang sets lamang siya naglaro.
Hindi naman apektado ang laban ng koponang hawak ni coach Arnold Laniog dahil maganda rin ang ipinakita ng ibang ginamit sa larong tumagal lamang ng isang oras at 20 minuto.
Si Salvador Depante ay may siyam na kills tungo sa 11 puntos sa walang pahingang laro habang sina Sylvester Honrado at Roland Tonquin ay naghatid ng tig-anim na puntos.
Si Honrade ay may apat na blocks.
Si Abdul Majid Jaidal ay may 11 puntos mula sa 8 attacks at 3 blocks pero kinulang siya ng suporta para wakasan ng Blue Thunders sa 1-5 baraha matapos ang 2-4 baraha ng FEU Tamaraws.
Nagtabla ang dalawang koponan sa tig-21 errors pero hindi natapatan ng RTU ang bangis ng Systema sa ibang departamento.
May siyam na kills pa si Depante, hinawakan ng Systema ang 38-27 kalamangan sa kills habang angat din ang koponan sa blocks (10-6) at aces (6-1) para ipakita ang kanilang dominasyon. (ATan)
- Latest