Lions uukit ng kasaysayan
MANILA, Philippines – Magkukulay pula ang kapaligiran ng Mall of Asia Arena sa Pasay City para suportahan ang San Beda Red Lions sa tangkang kasaysayan sa Game Two ng 90th NCAA men’s basketball ngayong hapon.
Sa ganap na ala-1:30 ng hapon sasalang uli ang Red Lions laban sa Arellano Chiefs na ang adhikain ay makapagdomina uli para maiuwi na sa Mendiola ang titulo sa liga.
Ang unang laro sa ganap na alas-11 ng umaga sa hanay ng Mapua Red Robins at San Beda Red Cubs at ang una ang magsisikap na walisin ang serye at kunin na ang titulo sa juniors division.
Ito ang magiging kauna-unahan sa San Beda na makakalimang sunod na titulo sila sa basketball at lalabas bilang ikalawa lamang na naka-five-peat sa liga matapos ang San Sebastian Stags mula 1993 hanggang 1997.
“Mahalaga ito para sa aming paaralan at sa mga players,” wika ni Lions coach Boyet Fernandez.
“Arellano is a tough opponent and I expect them to bounce back. But we will be ready, we will try to match their intensity from start to finish,” dagdag pa ng multi-titled coach.
Nakauna ang Lions sa Chiefs sa maigsing best-of-three title series sa pamamagitan ng 74-66 panalo noong Lunes.
Lumabas ang lakas ng mga starters sa pangunguna nina Baser Amer, Ola Adeogun at Anthony Semerad na siyang nagpasiklab sa 11-0 panimula.
Si Amer ay mayroong 17 puntos, pitong assists at limang rebounds, may 14 puntos, 14 rebounds at 4 blocks si Adeogun habang si Semerad ay may 12 sa kanyang 14 puntos sa unang 20 minuto ng labanan.
Ang tiyakin na hindi kaagad makakalayo ng maaga ang Lions ang isa sa dapat tutukan ng bataan ni coach Jerry Codiñera.
Bukod pa ito sa pagganda ng laro mula sa mga beterano tulad nina John Pinto at Jiovani Jalalon na nagsanib lamang sa 15 puntos.
Limitado lamang ang playing time ni Jalalon matapos mapituhan ng tatlong fouls sa unang yugto at na-foul out siya sa huling anim na minuto ng labanan.
Kung magkaroon ng do-or-die Game Three, ito ay gagawin sa Biyernes sa nasabing ring venue. (AT)
- Latest