2 African imports tinapik ng Perpetual para sa NCAA Season 91
MANILA, Philippines – Matapos makita na hindi pa uubra ang mga locals sa ibang koponan tulad ng San Beda kaya nagdesisyon na ang Perpetual Help Altas na kunin ang serbisyo ng dalawang African imports para tapusin ang mga kabiguan sa NCAA.
Sina Akhueti Bright at Eze Prince ay makakapaglaro na sa Season 91 para may makatuwang uli si Earl Scottie Thompson na siyang inaasahang pararangalan bilang MVP ng liga sa taon.
Nakatulong sa season ang mga mahuhusay na sina Juneric Baloria at Harold Arboleda pero hindi pa rin sila umubra sa lalim at lakas ng four-time defending champion Red Lions nang mapatalsik sa Final Four sa 75-81 iskor.
Ito na ang ikatlong sunod na pagkakataon na hindi umalpas ang Altas sa Lions kaya’t magpapalakas sa 2015 season sa pagpasok nina Bright at Prince.
Si Bright ay isang 6’7 player habang 6’11 ang taas ni Prince upang magkaroon ng lehitimong sentro ang Altas.
Ang dalawa ay nakatulong ng Altas sa pangunguna sa Fr. Martin Summer Cup noong Abril pero hindi na puwedeng maglaro sa NCAA.
“There is no doubt that they (Bright at Prince) are strong players and will be important in our campaign. I’m just hoping they can blend well with Scottie and the other local players,” ani coach Aric del Rosario.
Apat na manlalaro ang mawawala matapos ang taon at ito ay sina Baloria, Arboleda, Joel Jolangcob at Justine Alano.
- Latest