Bedans, Arellano agawan sa Game 1
MANILA, Philippines – Magtatangka ngayon ang San Beda Red Lions na dumikit sa kanilang ikalimang sunod na titulo sa pagsisimula ng 90th NCAA Finals sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kalaban ng Lions ang Arellano Chiefs sa tampok na laro sa ganap na alas-4 ng hapon sa pagbubukas ng best of three series.
Ito ang ika-siyam na pagkakataon na nasa championship series ang San Beda at sa bilang na ito ay nakawalong titulo sila, ang huli ay nakuha mula 2010 hanggang noong nakaraang taon.
Sina Ola Adeogun, Baser Amer, Arthur dela Cruz at Anthony Semerad ay magbabalik sa mga stars ng koponan para bigyan pa ng isang titulo ang Lions ni coach Boyet Fernandez.
“This is not going to be easy. Not because we are a four-time defending champion will guarantee us of the title,” wika ni Fernandez.
Ang Chiefs ay nasa unang taon ng pagtapak sa Finals matapos pumasok sa liga noong 2009. Mga bagito man, hinog na ang mga kamador ni coach Jerry Codiñera para tumikim ng titulo. Sina John Pinto, Jiovani Jalalon, Keith Agovida, Dioncee Holts at Prince Caperal ay mga beterano na at ang paggabay nila sa koponan sa pinakamagandang marka sa prangkisa ay sapat na patunay sa kanilang kakayahan.
Sina Jalalon at Holts ay hinirang din sa individual awards na kanilang matatanggap bago ang laban. Ang parangal ay tiyak makakatulong para maipalabas pa ang nakatagong galing para makasilat agad. (AT)
- Latest