Naka-buwenamano sa Raiders Cignal HD spikers nagpakilala agad
Laro sa Miyerkules (Cuneta Astrodome)
2 p.m. Cignal vs Mane ‘N Tail (W)
4 p.m. RC Cola-Air Force vs Foton (W)
6 p.m. Cignal vs Bench (M)
MANILA, Philippines - Diniskaril agad ng Cignal HD Spikers ang hanap na magandang panimula ng RC Cola-Air Force Raiders sa 25-17, 25-23, 25-23, straight sets panalo sa pagsisimula ng 2014 Philippine Superliga Grand Prix na handog ng Asics kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sumandal ang Cignal sa galing ng kanilang mga imports na sina Sarah Ammerman at Lindsay Stalzer para makauna sa ligang inorganisa ng SportsCore katuwang ang Mikasa, Mueller Sports Medicine, Healthway Medical, Jinling Sports at LGR bilang technical partners.
Noong una ay nahirapan kami dahil hindi pa gamay ang laro ng mga imports. Kaya ang ginawa namin ay kami ang nag-adjust sa kanila,” wika ni Cignal coach Sammy Acaylar.
Nabiyayaan ng ganitong sistema ang 6’3 na si Ammerman na gumawa ng 18 puntos mula sa 15 hits, dalawang aces at isang block.
Si Stalzer ay may 15 puntos habang si Abigail Praca ay naghatid pa ng 11 hits para ipakitang palaban sa ligang naghahanap ng bagong kampeon matapos ang pansamantalang pamamahinga ng Philippine Army.
Gumawa ng 16 kills at dalawang blocks tungo sa 18 hits si Emily Brown pero wala pa sa kondisyon si Bonita Wise na nalimitahan sa siyam na puntos para sa Raiders na pumangalawa sa Army Lady Troopers sa nakaraang conference.
Magkakaroon ng pagkakataon na bumangon ang Raiders dahil kalaban nila ang Foton sa Miyerkules.
- Latest