Donaire pababagsakin agad si Walters, pag-iisahin ang WBA Featherweight Title
CARSON, California – Pagkakataon ngayon ni Nonito Donaire Jr. na maibalik ang dating paghanga sa kanya ng mga nasa mundo ng boxing sa pagharap sa walang talong si Nicholas Walters ng Jamaica sa StubHub Center sa Carson, California.
Nawala ang respeto kay Donaire at itinuring siyang laos na matapos matalo kay two-time Olympic champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba noong nakaraang taon para maisuko ang super bantamweight title.
Kampeon na uli ang 2012 Fighter of the Year sa featherweight pero duda pa rin ang marami kung naibalik na ng 31-anyos boxer ang dating mabangis na porma.
Hindi na pinahahalagahan ni Donaire ang mga sinasabi ng iba dahil ang pinagtutuunan lamang niya ay maipanalo ang mga labang haharapin.
“I’m just here to win and win every fight from this point on,” wika ni Donaire. “I will just go out there and do the best of what I can do. The story will be told inside that ring-whatever it may be.”
Tiyak namang hahanga ang mga miron kung magwagi siya kay Walters na hindi pa natatalo matapos ang 24 laban na sinahugan ng 20 knockouts.
Ipinangalandakan pa ni Walters na patutulugin niya si Donaire dahil may bilis din siya pero mas malakas sa Filipino champion.
Kinakapitan ni Donaire ang mahaba at walang problemang pagsasanay na ginawa nila ng kanyang ama na si Nonito Sr. para lumabas na panalo sa mahalagang laban na ito.
“I will just go out there and do my thing. I’d rather finish it as early as possible,” may kahulugang mensahe pa ni Donaire.
Samantala, walang naging problema sina Donaire Jr. at Walters sa kanilang mga timbang sa idinaos na weigh-in.
Tinawag ni ring announcer Michael Buffer si Donaire eksaktong ala-1 ng hapon para sukatin ang kanyang timbang kasunod si Walters.
Parehong tumimbang sina Donaire at Walters ng 125.6 pounds para makapasa sa featherweight limit na 126 pounds.
Kasunod nito ay ang kanyang pagpo-pose para sa mga photographers at TV crews.
Halos limang minuto lamang natapos ang weigh-in.
- Latest