Nets sinilo ang Kings
BEIJING, China, Philippines--Tinapos ng mga partisipante ng Jr. NBA at Jr. WNBA ang kanilang pagbisita sa China matapos personal na mapanood ang Brooklyn Nets at ang Sacramento Kings sa isang NBA Global Games sa Mastercard Center.
Tinalo ng Nets ang Kings, 129-117, sa overtime para sa kasiyahan ng mga Jr. NBA, Jr. WNBA All-Stars kasama ang mga Pinoy na ang five-day trip ay ginastusan ng Alaska Milk at may basbas ng NBA.
Hindi ginamit ni Brooklyn coach Lionel Hollins si future Hall of Famer Kevin Garnett.
“Dream come true na para sa akin ang makita ang idol (Garnett) ko kahit hindi pa siya naglaro,” sabi ng 14-anyos na si Jan Cyril Narvasa, miyembro ng 14-man team na kumatawan sa bansa sa Jr. NBA/Jr. WNBA event.
Hindi rin naglaro si DeMarcus Cousins, ang franchise player ng Sacramento bagamat nakasuot siya ng uniporme.
Pinalakpakan naman sina Deron Williams, Joe Johnson at Andrei Kirilenko ng Nets at maging si Rudy Gay ng Kings.
Nanood din sina Chinese legend Yao Ming at Vlade Divac, binisita ang pagsasanay ng mga Jr. NBA at Jr. WNBA players kasama ang ilang players mula sa NBA Yao School.
Ang ilan pang tumunghay ay sina Shaquille O’Neal, Mitch Richmond at Chris Mullin, miyembro ng United States original Dream Team.
- Latest