Sparring ni Pacquiao isinara ni Roach sa publiko
MANILA, Philippines - Nagdesisyon si chief trainer Freddie Roach na isara ang pinto para sa sparring session ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa Pacman Wild Card Gym sa General Santos City.
Sinabi ni Roach na mas mabuting walang istorbo sa pagsasanay ng 35-anyos na si Pacquiao na pinaghahandaan ang kanyang title defense kontra kay American challenger Chris Algieri.
Nakasabayan ni Pacquiao sa kanyang sparring session si Mike Jones matapos si Stan Martyniouk noong Sabado.
Lubhang namangha si Jones sa ikinilos ni Pacquiao na kanilang kapwa hinangaan dahil sa bilis at lakas nito.
Sinabi ni Jones na hindi kakayanin ng 5-foot-10 na si Algieri ang liksi at lakas ng 5’6 na si Pacquiao, idedepensa ang suot na World Boxing Organization welterweight crown sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Nakatakdang sabayan ni Pacquiao si Martyniouk, nauna nang naka-sparring si world featherweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr. sa United States bago dumiretso sa Pilipinas, ngayon para sa kanilang six rounds na sparring.
Pansamantalang ititigil ni Roach ang kanilang sesyon sa Sabado para sa pagdalo ni Pacquiao sa pagbubukas ng 40th season ng PBA sa Lingggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan kung saan tatayong playing coach si ‘Pacman’ para sa Kia Sorento.
Pinayagan ni Roach ang 35-anyos na si Pacquiao na maglaro ng ilang minuto para sa kanyang PBA debut.
- Latest