Cycling ‘di na ipipilit ni Tolentino na gawing priority sports kung...
MANILA, Philippines – Hindi na igigiit pa ni PhilCycling president Cavite Representative Abraham “Bambol” Tolentino ang pagnanais na gawing priority sport ang cycling kung BMX lamang ang balak suportahan ng Philippine Sports Commission (PSC).
Dumalo si Tolentino sa PSA Forum sa Shakey’s Malate para ibigay ang kanyang reaksyon matapos mapaulat na nais ng PSC na suportahan na lamang ang BMX na kung saan si Fil-Am Daniel Caluag ang nanalo ng gintong medalya sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Nagulat si Tolentino sa pahayag na ito dahil ang ibang sports na nasa prio0rity list ay suportado ang kanilang buong programa.
“Sa billards ba, 9-ball lang ang priority? Sa track and field, long jump lang?” banat ni Tolentino.
Idinagdag pa niya na kung performance ang criteria para masama sa listahan ay hindi rin padadaig ang cycling dahil sa SEA Games ay nanalo rin sila ng gold sa katauhan ni Mark Galedo sa ITT sa road race bukod sa BMX na hatid din ni Caluag.
Pinuna rin ni Tolentino na ang ibang sports na kasama ay hindi mga Olympic sports tulad ng pinamumunuang asosasyon.
Sakaling hindi pakinggan ng pamunuan ng PSC ang kanyang paliwanag ay hindi na niya ipipilit ito lalo pa’t nagawa nilang magbigay ng karangalan sa Pilipinas nang hindi kabilang sa priority list.
- Latest