PABA magpapasaklolo sa private sector
MANILA, Philippines – Lalapit ang bagong pamunuan ng Philippine Amateur Baseball Association (PABA) sa private sector para tumulong sa gaganaping East Asia Baseball Championship sa bansa sa Disyembre.
Halagang P3 milyon ang kailangang malikom para matiyak ang ikatatagumpay ng hosting ng bansa na naunang ibinigay ng Baseball Federation of Asia sa pagsisimula ng taon.
Mahalaga ang kompetisyon dahil ang Pilipinas ang siyang nagdedepensang kampeon at mas maganda na mapanatili ang dominasyon sa rehiyon sa sariling bansa.
“Handa kaming lumapit sa mga private sponsors para humingi ng tulong dahil sa kahalagahan ng torneo. Sa tingin naman ng PABA board ay kaya nating mairaos ang torneo,” wika ni Atty. Felipe Remollo na isa sa 15 board members ng asosasyon.
Hindi muna nagluklok ang PABA ng kanilang opisyales hangga’t hindi pa naisasaayos nang husto ang kanilang Constitution at By Laws na siyang nais ng Philippine Olympic Committee (POC).
Pero para tumakbo ang asosasyon ay nagnombra sila ng mga tao para bumuo sa executive committee at kasama ni Remollo sina Norman Macasaet, Jose “Pepe” Munoz, Rich Cruz, Mike Ochosa at ang pamangkin ni POC president Jose “Peping” Cojuangco na si Martin Cojuangco
Ang beteranong si Ely Baradas ang siyang tinokahan para pangunahan ang paghahanda ng Pambansang koponan.
- Latest