80% ng tiket sa PBA opening nabili na
MANILA, Philippines – Halos 80 porsiyento na ng tiket ay nabili na para sa pagbubukas ng 40th season ng Philippine Basketball Association sa Linggo sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Sinabi ni PBA Commissioner Chito Salud na nangangahulugang 35,000 fans ang tiyak nang manonood para sa laban ng Kia Sorentos ni playing coach Manny Pacquiao kontra sa Blackwater at sa banggaan ng Barangay Ginebra at Talk ‘N Text.
“I have been informed that 80 percent of the venue tickets have been sold, translating to some 35k fans already confirmed to attend,” sabi ni Salud sa isang statement. “This is a huge number by any measure that can only become bigger as we get closer to opening day.”
Ang Philippine Arena na ipinatayo ng Iglesia ni Cristo ay maaaring punan ng 55,000 tao.
Ang naunang record ng PBA sa gate attendance ay 24,883 sa Game Seven ng 2014 PBA Philippine Cup semifinals series sa pagitan ng Gin Kings at San Mig Coffee Mixers sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ay natabunan ng 24,896 fans sa Game Two sa kasalukuyang 77th UAAP finals ng National University Bulldogs at Far Eastern University Tamaraws sa Big Dome noong nakaraang Miyerkules.
Ayon kay Salud, ang pagdagsa ng mga basketball fans ay dahil na rin sa kagustuhan nilang mapanood sa hardcourt ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.
Sinasabing pinayagan na ni chief trainer Freddie Roach ang 5-foot-6 na si Pacquiao na maglaro ng lima hanggang anim na minuto para sa kanyang PBA debut.
- Latest