Pinay belles tangka ang unang panalo vs Aussie spikers sa AVC Youth Girls U-17
MANILA, Philippines - Angkinin ang kauna-unahang panalo laban sa Australia ang nais ng Pilipinas sa pagbubukas ngayon ng Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Youth Girls U-17 Championship sa MCC Hall Convention Center The Mall sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
Nasa Pool C ang Pilipinas kasama ang Australia, sixth seed India at second seed China at kailangang malagay ang Pambansang koponan sa unang dalawang puwesto para umabante sa quarterfinals.
Ito ang ikalimang pagkakataon na sasali ang Pilipinas sa nasabing kompetisyon at noong 2005 at 2008 na parehong ginawa sa Pilipinas ay tumapos ang bansa sa ikawalong puwesto.
Hindi pa nakakatikim ng panalo ang Pilipinas sa apat na pagtutuos pero may tiwala si coach Jerry Yee na puwede nilang silatin ang mas matatangkad na kalaban sa larong ito.
“We have scouted them and we hope to utilize our speed and quickness to offset their height advantage,” wika ni Yee na coach ng multi-titled Hope Christian High School.
Bukas ay kapaluan ng Pilipinas ang India bago isunod ang China sa pagtatapos ng preliminary round sa Lunes.
May 14 manlalaro ang hinubog ni Lee katuwang ng Philippine Volleyball Federation at nabigyan din tune-up games sa mga collegiate teams tulad ng FEU at National University para maihanda ang sarili sa mabigat na kompetisyon na ito.
Ang mga manlalaro ay sina Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Ejiya Laure, Maristela Geen Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Maria Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Marie Teope, at Catlin Viray. (ATan)
- Latest