Systema pinatumba ang FEU
MANILA, Philippines - Napasama para sa FEU Tamaraws ang pagpapakita ng emosyon matapos kunin ang 2-1 kalamangan nang ipanalo ng Systema Active Smashers ang sumunod na dalawang laro para manaig sa 14-25, 25-19,19-25, 25-9, 15-9 sa men’s division ng Shakey’s V-League Season 11 Foreign Reinforced Conference kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Napigil ng Active Smashers ang kanilang errors, habang gumana ang mga atake nina Christopher Antonio, Salvador Depante, Patrick John Rojas at Christian Arbastro sa fourth at fifth set upang maitabla ang karta sa 1-1 sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s, Accel at Mikasa.
Inakala ng mga sumaksi sa laban na lalasapin ng Systema ang ikalawang sunod na pagkatalo nang manaig ang Tamaraws sa third set, 25-19, matapos kakitaan ang beteranong koponan ng 11 errors.
Nagdiwang ang Tamaraws matapos ang panalo pero agad na inalis ng Systema ang anumang momentum nila nang buksan ang fourth set tangan ang 11-4 kalamangan patungo sa panalo.
Si Antonio ay may 13 kills, apat na blocks at isang ace patungo sa kanyang 18 puntos, habang sina Depante, Rojas at Arbastro ay nagsanib para sa pinagsamang 23 points.
May 12 hits mula sa 10 kills at 2 block si Greg Dolor, si Manolo Refugia ay may 38 excellent sets at si Rikko Marmeto ay may 13 digs para sa panig naman ng FEU.
Ngunit naglaho ang naunang magilas na laro ng Tamaraws nang mamayagpag ang mga sinasandalang manlalaro ng Systema patungo sa 0-1 baraha. (ATan)
- Latest