St. Benilde Blazers asam ang playoff para sa No. 4 berth
MANILA, Philippines - Ang maulit ang magarang panalo na nakuha sa unang ikutan ang nais gawin ng St. Benilde sa Letran sa pagtatapos ng 90th NCAA men’s basketball elimination ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Sa ganap na alas-2 ng hapon magaganap ang tagisan at kung mauulit ang 85-71 dominasyon ng tropa ni coach Gabby Velasco sa Knights ay makakatiyak na rin ang Blazers ng playoff sa huling silya sa Final Four.
Okupado ng host Jose Rizal University Heavy Bombers at Perpetual Help Altas ang ikatlo at ikaapat na puwesto sa magkatulad na 12-6 karta at kung sumalo ang Blazers ay magkakaroon ng double-playoff para madetermina ang rankings sa huling dalawang puwesto sa Final Four.
Kung makakasilat ang Knights, makukumpleto na ang Final Four pero magkakaroon pa rin ng playoff ang JRU at Perpetual para sa rankings.
Lalaban din ang Arellano Chiefs sa Lyceum Pirates sa tampok na laro sa alas-4 ng hapon at kailangan din ang panalo para opisyal na selyuhan ang No. 1 seat sa Final Four.
May 13-4 baraha ang Chiefs at kasama ng four-time defending champions na San Beda Red Lions ay hawak na ang ‘twice-to-beat’ advantage sa semifinals.
Pero kung matatalo ang Chiefs ay makakasalo nila ang Red Lions sa 13-5 baraha at mangangailangan din ng playoff para malaman kung sino ang malalagay sa No. 1.
Ito ang unang pagkakataon na umabante sa Final Four ang Arellano sa limang taong pagsali sa liga. (AT)
- Latest