James iniupo sa second half; Cavs nanalo pa rin
CLEVELAND – Kumamada si LeBron James ng 12 points bago ipahinga sa second half at ibinigay ng Cavaliers kay bagong head coach David Blatt ang isang emosyunal na panalo laban sa dati niyang koponangMaccabi Tel Aviv, 107-80, sa kanilang pre-season game.
Isang matinding hamon para kay Blatt ang makatapat ang Maccabi, isang club team na kanyang hinawakan sa loob ng anim na seasons at iginiya sa ilang titulo.
Iniwanan ng Cavs ang defending Euroleague champions sa 15 points sa halftime at hindi na nakuhang makalapit sa second half.
Pinagpahinga ni Blatt ang NBA superstar sa second half at umasa na lamang kina Kyrie Irving, Kevin Love, Shawn Marion at Dion Waiters.
Umiskor si Irving ng 16 points at nagbigay si Love ng 11 rebounds para sa Cavs, humakot ng 64 rebounds kumpara sa 36 ng Maccabi.
Si Marion ang pumalit kay James sa third period kung saan umiskor si Waiters ng 12 markers para sa 28 points ng Cleveland kumpara sa 16 ng Maccabi.
Nagtala si Sylvan Landesberg ng 23 kasunod ang 18 ni Jeremy Pargo para sa Maccabi.
Sa Vancouver, tumipa si DeMar DeRozan ng 21 points para banderahan ang Toronto Raptors sa 99-94 panalo laban sa Sacramento Kings.
Nag-ambag sina Jonas Valanciunas at Lou Williams, isang nine-year veteran na nakuha ng Toronto noong Hunyo, ng tig-12 points.
Tumapos naman sina Terrence Ross at Tyler Hansbrough ng tig-11 points sa Rogers Arena na pinanood ng 18,630 fans.
Pinamunuan ni Ramon Sessions ang Kings mula sa kanyang 14 points kasunod ang tig-13 nina DeMarcus Cousins at Darren Collison.
- Latest