1 silver, 2 bronze naihabol bago matapos ang 2014 Incheon Asiad
INCHEON, Korea -- Isang silver at dalawang bronze medal lamang ang naihablot ng mga manlalaro ng Pilipinas sa tatlong sports at lumabo na ang hangad na madagdagan ang isang ginto sa 17th Asian Games.
Hindi pinalad si Charly Suarez laban kay Otgondalai Dornjnyambuu ng Mongolia sa nalasap na 1-2 desisyon sa finals ng lightweight class para makuntento sa silver medal sa Seonghok Gymnasium dito.
Sa kabuuan ay hindi nakapaghatid ang walong boksingero ng gintong medalya at sina Olympian Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez ay nakuntento sa bronze medal sa light flyweight, bantamweight at middle weight divisions, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikalawang pagkakataon na nabokya ang mga boksingero sa Asiad.
Huling nabigo sa ginto ang koponang lahok ng ABAP noong 2002 sa Busan, Korea.
Hindi naman lilisanin ng delegasyon ang boxing arena nang hindi ipaaalam ang mga kuwestiyonableng desisyon ng mga huradong kinuha sa kompetisyon.
Lumiham na si ABAP executive director Ed Picson kay Tournament Supervisor David Francis ukol sa hindi magandang desisyon sa ibang laban, kasama na ang tagisan nina Ian Clark Bautista at Korean pug Choe Sangdon na nauwi sa unanimous decision ng huli kahit bugbog siya kay Bautista.
Sinegundahan ito ni Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia na sumulat kay Olympic Council of Asia (OCA) president Sheikh Ahmad Fahad Al-Sabah.
“We are not filing a protest but we want the OCA and AIBA to see our point,” wika ni Garcia.
Wala ring suwerte ang mga taekwondo jins dahil si Kristie Alora ay bronze lamang ang nakuha, habang luhaan sina John Paul Lizardo at Francis Agojo sa kanilang mga dibisyon.
Umabot sa semifinals si Alora pero kinapos kay Seavmey Sorn ng Cambodia, 5-6, para sa bronze medal sa women’s -73 kg.
Sina Lizardo at Agojo ay hanggang quarterfinals lang umabot sa men’s -54 at -58 divisions.
Ang mga taekwondo jins ay nanalo ng limang bronze medals na mas mataas ng isa kumpara noong 2010 sa Guangzhou, China.
Si Mae Soriano ay nakasipa ng bronze nang talunin sa repechage si Cok Istri Agung Sanistyarani ng Indonesia, 11-3, sa women’s 55-kg division ng karatedo.
Ang kompetisyon ay magsasara ngayon at si Gay Mabel Arevalo na lamang ang huling panlaban ng Pilipinas sa women’s -50kg sa karetedo,
Nanatili ang Pilipinas sa ika-22 puwesto sa medal tally bitbit ang 1 gold, 3 silver at 11 bronze medals at nasa pang-pito sa hanay ng mga Southeast Asian nations.
- Latest