Suarez hihirit ng ginto
INCHEON, Korea -- Naiwan sa mga kamay ni boxer Charly Suarez ang paghahangad ng Team Philippines na madagdagan ang isang ginto nang umabante sa finals sa men’s lightweight division sa 17th Asian Games kahapon sa Ganghwa Dolmens gymnasium.
Ginamit ng 26-anyos na beterano ng World Series of Boxing ang malawak na karanasan para isantabi ang hamon ni Mohammad Mustafa Alkasbeh ng Jordan patungo sa 2-1 panalo sa semifinals.
“Hinayaan ko lang siyang sumugod nang sumugod at tsaka ako umatake,” wika ni Suarez.
Matatapos ang boxing ngayon at kalaban ni Suarez si Otgondalai Dorjnyambuu ng Mongolia para sa gintong medalya.
“This is a good sign. Suarez is just one win away from the gold. If he sustain the momentum and keep his excellent fighting form, there’s no doubt he will win the gold,” sabi ni Chief of Mission Richie Garcia.
Nabigo sina London Olympian Mark Anthony Barriga, Mario Fernandez at Wilfredo Lopez sa kanilang mga laban para makuntento sa tanso.
Isinuko ni Barriga ang 0-3 kabiguan kay Jonghun Shin ng host Korea sa light flyweight division, habang yumukod si Fernandez kay Jiawei Chang ng China, 0-3, sa bantamweight class at nabigo si Lopez kay Riyad Adel Alhindawi ng Jordan, 1-2, sa middleweight.
Naghatid pa ng bronze medal si taekwondo jin Benjamin Keith Sembrano sa men’s -74kg. at ang Pilipinas at mayroong isang ginto, dalawang pilak at siyam na tansong medalya.
Ang mga bronze medalists sa taekwondo ay sina Samuel Morrison (men’s -74kg.), Mary Anjelay Pelaez (women’s -46kg.) at Levita Ronna Ilao (women’s -49kg.).
Minalas sina Christian Al dela Cruz (-80kg.), Robert Uy (-87kg.), Nicole Abigail Cham (-53kg.), Pauline Louise Lopez (-57kg.) at Jane Rafaelle Narra (-67kg.).
Sasalang ngayon sina John Paul Lizardo sa men’s -54kg., Francis Aaron Agojo sa men’s -58kg. at Kirstie Elaine Alora sa women’s -73kg.
Tumapos ang Philippine Volcanoes sa ika-limang puwesto kahit nanalo sa China.
Natalo si Orencio James delos Santos kay Zheng Zhi Man ng Hongkong, 1-4, sa kata class competition.
- Latest